OLONGAPO CITY – Ipinag-utos kahapon ng regional trial court ang agarang pagsunog sa P4.6 bilyong shabu na nakumpiska ng mga awtoridad sa Subic Bay Freeport kamakailan
Ang kautusan ay ipinalabas ni Judge Raymond Viray ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 75 batay na rin sa rekomendasyon ng prosekusyon matapos ang ocular inspection kung saan nakalagak ang tinatayang aabot sa 700 kilo ng shabu.
Nakasaad din sa kautusan ng korte ang pag-transfer sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency sa 714.66 kilo ng shabu mula sa pag-iingat ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) sa Task Force Subic.
Nagbigay din ng instruksyon si Judge Viray na gagawin ang pagsunog sa loob ng 24-oras matapos ang ginawang ocular inspection ng mga kinatawan mula sa Bureau of Customs at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Sa panig naman ni Atty. Edmundo Arugay, deputy director ng Presidential Anti-Smuggling Group-Task Force Subic (PASG-TFS), na nakikipag-ugnayan na ang kanyang ahensiya sa pamunuan ng PDEA upang itakda ang petsa sa pagsunog sa bawal na droga. Alex Galang