DILG officer dedo sa 4-adik

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City  – Pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ang isang opisyal ng Department of Interior and Local Government ng mga kalalakihan na pinaniniwalaang lango sa bawal na gamot sa loob ng inuupahang kuwarto ng biktima sa Barangay San Isidro Norte sa bayan ng Lagonoy, Camarines Sur kamakalawa ng gabi. Kinilala ang biktima na si Josel Arnedo, 35, ng Barangay Tula-Tula, Legazpi City, Albay. Naaresto naman ang tatlo sa apat na suspek na sina Chistopher Galang, Julius Valdez, at Angelo Asor, habang tugis naman si Milan Lito Luzada, 24, lider ang grupo at pawang naninirahan sa bayan ng Goa, Camarines Sur. May teorya ang pulisya na napagtripan ng mga suspek na paslangin ang biktima kung saan naninirahan din sa nasabing lugar ang syota ni Lito. Ed Casulla

Ilegal rekruter tiklo

CAVITE – Sa hindi inaasahang pagkakataon ay naaresto ang isang 47-anyos na notoryus na ilegal re­kruter ng kanyang mga biktima makaraang matiyempuhan ang una sa pilahan ng mga kumuha ng Meralco refund sa isang banko sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa bayan ng Dasmariñas, Cavite kamakalawa. Pormal na kinasuhan habang nakapiit ang suspek na si Caferino “Junell” Colina Jr. ng Blk 11, Lot 76 Brgy. Fatima 1K sa nabanggit na bayan. Ayon kay P/Supt. Marcos Badilla, karamihan sa mga biktima ay dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para magsampa ng reklamo. Napag-alamang pinangakuan ng suspek ang mga biktima ng trabaho sa ibang bansa kapalit ng malaking halaga subalit hindi naman natupad. Cristina Timbang

Sinibak na sekyu pumatay

RIZAL – Sa matinding hinanakit sa pagkakatanggal bilang guwardiya sa kompanyang pinagtatrabahuhan ay nabaril at napatay nito ang isang 40-anyos na bagong sekyu na ipinalit sa kaniyang puwesto kamakalawa sa Tanay, Rizal. Kinilala ng pulisya ang biktimang si Edwin Escartin, sekyu ng Titan Cement Corp at residente ng Sitio Balimbing, Brgy. Plaza Aldea ng nasabing bayan. Samantala, naaresto naman ang suspek na si  Ronald Liberto, 30, ng Paradahan 2, Tanza, Cavite.Sa ulat ng pulsya, tinungo ng suspek na lango sa alak ang dati nitong pinagtatrabahuhan at naabutan ang bikti­mang pumalit sa kanya bilang sekyu.Kinompronta ng suspek ang biktima hanggang sa nauwi sa pambubuno at tinangkang bunutin ni Escartin ang kanyang baril subalit naagaw ito ng suspek saka pinutukan sa dibdib.Naabutan naman ng puilsya ang suspek sa kanyang barracks habang nagliligpit ng mga damit at tangkang takasan ang krimen. Edwin Balasa

Show comments