3 kalaboso sa nakaw na trike

RIZAL – Rehas na bakal ang binagsakan ng tatlong kalalakihan makaraang maaresto ng pulisya sa reklamong pagnanakaw ng traysikel sa Antipolo City, Rizal kamakailan. Kinilala ni P/Supt. Danilo Macerin J, hepe ng pulisya, ang mga suspek na sina  Marlon Codilla, 20; Arvin Armeses, 20; at ang binatilyo na itinago sa pangalang “Barok” na pawang residente ng Sitio Dalig 3, Brgy. Dalig ng nasabing lungsod.

Ang tatlo ay inireklamo ni Gina Moso, 32, operator ng traysikel at residente ng Starville st. Sitio Tubigan ng nabanggit na barangay.

Sa ulat ng pulisya, lumilitaw na ninakaw ng mga suspek ang traysikel ng biktima noong Miyerkules ng madaling-araw (June 18)

Kaagad na humingi ng tulong sa pulisya si Moso subalit hindi na natagpuan ang mga suspek hanggang sa mayroong makapagbigay ng impormasyon na ang mga suspek ay namataan sa Quezon.

Kaagad na tinungo ng pulisya ang pinagtataguan sa Barangay Marcon sa bayan ng Real, Quezon at dito naaresto ang mga suspek at nabawi ang ninakaw na tricycle. Edwin Balasa

Show comments