MALOLOS CITY, Bulacan – Nakahandang magbigay ng pabuya si Bulacan Gov. Joselito Mendoza upang masugpo ang lumalalang operasyon ng sugal kung saan aabot sa 47 makina ng video karera ang iniulat na winasak na sinaksihan mismo ni PNP chief Director General Avelino Razon sa harap ng kapitolyo noong Biyernes. Sa pahayag ni Mendoza, magbibigay siya ng P1,000 kada makina ng video karera na makukumpiska at may karagdagang pabuya kung masasampahan ng kaukulang kaso ang mga operator nito. Samantala, sinabi naman ni P/Chief Supt. Errol Pan, Central Luzon regional police director, bukod sa P1.8-milyong operational fund laban sa illegal gambling ay ibinibigay din niya ang P3-milyong pondo sa kada buwan bilang bahagi ng mga himpilan ng pulisya sa rehiyon mula sa small town lottery (STL). Dino Balabo