GUIGUINTO, Bulacan – Aabot sa tatlumpu-katao ang iniulat na nasugatan makaraang bumalandra ang pampasaherong bus sa concrete barrier sa kahabaan ng North Luzon Expressway na sakop ng Barangay Sta. Rita sa bayan ng Guiguinto, Bulacan kahapon.
Kabilang sa mga biktimang isinugod sa Bulacan Polymedic Hospital at sa Bulacan Provincial Hospital ay sina Dennis Pajarillo, drayber ng bus; Reggie Alejandrino, kondoktor; Teck Gabuyan ng San Mateo, Rizal; Janeth Santiago, Ernesto Alcantara, Emilyn Cayabyab, Paul Lapig, Lucila Alegre at si Edgar Garcia
Napag-alamang patungong Maynila ang Dagupan Bus Liner (AVN-729) mula sa bayan ng San Carlos, Pangasinan nang mag loko ang unahang preno sa kahabaan ng North Luzon Expressway.
Dahil sa madulas ang highway dulot ng bagyong “Frank” at nawasak ang preno ay bumalandra ang nasabing bus sa concrete barrier na nasa gitna ng NLEX.
Kaagad namang sumaklolo ang ilang motorista at naisugod sa mga nasabing ospital ang mga sugatang biktima. Dino Balabo