Rescue kay Ces, kasado na
Nagsimulang kumilos ang tropa ng militar at pulisya sa kagubatan kung saan nagkukuta ang grupo ng Muslim extremists na bumihag sa isang TV broadcaster at kanyang cameraman, ayon sa ulat kahapon.
Ayon sa ulat, habang niyayanig ng sunud-sunod na pagkanyon ang paligid ng nasabing lugar ay unti-unting kumikilos ang ilang truck na lulan ang mga sundalo mula sa military base sa isla ng Jolo.
Gayon pa man, nilinaw ni Western Mindanao Command chief, Lt. Gen. Nelson Allaga na walang kinalaman sa search and rescue operations ang pagkilos ng militar para sagipin ang grupo ni ABS-CBN news anchor Ces Drilon at iginiit nito na may kidnapping o wala, matagal na silang nagsasagawa ng operasyon laban sa mga bandidong Abu Sayyaf.
Samantala, nag-utos naman ang mga opisyal ng military na news blackout muna sa hostage-taking, kung saan nasa ikalawang Linggo subalit inatasan ni President Gloria Arroyo ang pulisya at military na sagipin ang lahat ng bihag sa kamay ng mga bandido.
Kasalukuyang hawak pa rin ng grupo ng Abu Sayyaf militants si ABS-CBN television journalist Ces Drilon, 46; ang kanyang assistant cameraman na si Jimmy Encarnacion, at ang university professor na si Octavio Dinampo.
Ang tatlo, kasama ang na unang pinalaya na cameraman na si Angelo Valderama, ay kinidnap noong Linggo (Hunyo 8) kung saan sekretong kakapanayamin ang lider ng grupong Abu Sayyaf na si Radullan Sahiron.
Base sa ulat, pinalaya ng mga kidnaper si Valderama noong Huwebes (Hunyo 12) matapos magbigay ng ransom na P.1 milyon ( $2,250).
Sinasabing humihingi ng P50 milyon ($1.13 million) ang mga kidnaper para mapalaya ang mga natitirang bihag.
Nanawagan naman ang pamilya ni Drilon noong Sabado para sa kanyang mapayapang pagpapalaya.
Nagpapatuloy naman ang negosasyon sa mga kidnaper para mapalaya ang tatlong bihag, ayon sa hepe ng pulisya sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Pinabulaanan naman ni P/Chief Supt. Joel Goltiao, ang mga ulat na lumabas na naputol ang pakikipag-ugnayan ng mga negosyador at mga kidnaper.
Kasunod nito, hawak pa rin ng militar at inaasahang itu-turn over sa pulisya ang dating kumander ng Moro National Liberation Front na si Jumail “Mameng” Biyaw na nagsilbing guide ng grupo ni Drilon patungo sa mga kidnaper.
Nilinaw naman ni Biyaw na wala siyang kinalaman sa naturang pagdukot at nagsabing inihatid lamang niya ang grupo ni Drilon kasama si Professor Octavio Dinampo sa Barangay Adjid, Indanan nang sumulpot ang mga armadong kalalakihan.
Hindi naman anya siya nag-panic dahil lumilitaw na kakilala ito ni Dinampo dahil magkakasalo pa silang kumain nang huminto sa paglalakad.
Dito pinauwi na ni Dinampo si Biyaw at inutusan na balikan ang kanilang driver upang hindi na ito maghintay.
- Latest
- Trending