CAMP MELCHOR DELA CRUZ, Gamu, Isabela – Dalawampung magigiting na sundalo kabilang ang ilang civilian defense personnel ang tumanggap ng pa rangal noong Biyernes (13 June) matapos ang matagumpay na pagtatanggol sa kanilang kampo laban sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA).
Ayon kay Major Gen. Melchor Dilodilo, hepe ng Army’s 5th Infantry Division (ID), personal na pinangunahan ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang paggawad ng military commendation awards at medals sa mga magigiting na kawal na nakipaglaban sa mga NPA sa bayan ng Sallapadan, Abra noong June 7, 2008.
Kabilang sa mga binigyan ng parangal na tumanggap ng Military Commendation Medal dahil sa kanilang ipinakitang kabayanihan ay sina S/Sgt. Francisco Mallari (Inf) PA, Cpl Jorge C Galicia at 13-iba pa mula naman sa Civilian Armed Forces Geographical Unit.
Ang Wounded Personnel Medal naman ay iginawad kina S/Sgt. Francisco Mallari (Inf) PA, CAA Ronnie Puglay, CAA Erwin Tumalip, CAA Jeglen Punaal, at CAA Romarico Castro.
Sa kabila ng kakulangan ng mga sundalo at Civilian Armed Forces Geographical Unit ay sinagupa ang mga rebelde kung saan tumagal sa walong oras na nagresulta sa pagkamatay ng anim na rebelde at ikinasugat naman ng lima sa panig ng gobyerno.
Nakilala ang isa sa anim na napatay na rebelde na si Melito Tabaday alias Basbas, lider ng Kilusang Larangang Gerilya-South Central ng Ilocos-Cordillera Regional Committee.
Pormal naman dinaluhan ang okasyon nina Lt. General Isagani Cachuela, pinuno ng Tarlac-based Armed Forces of the Philippines’ Northern Luzon Command, Abra Gov. Eustaquio Bersamin, Sallapadan Mayor Garde Cardinas, P/Chief Supt. Eugene Martin, Cordillera police director; at si P/Supt. Alexander Pumecha, Abra police director. Victor Martin