Natusta ang murang katawan ng magkapatid kabilang ang isang sanggol makaraang makulong sa loob ng kanilang tahanang nasunog sa Barangay San Isidro sa bayan ng Balingasag, Misamis Oriental kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Carl Julius Abenido, 10; at ang sampung buwang gulang nitong kapatid na si James Jubert Abenido.
Batay sa ulat na isinumite sa Camp Crame, iniwan ng mga magulang ang magkapatid na natutulog sa loob ng kanilang tahanan bandang alas-9 ng gabi.
Nabatid na matapos makatulog ang kanilang mga anak ay umalis sandali ang mag-asawa dahil may kailangang asikasuhin.
Nagulat na lamang ang mga kapitbahay nang makitang nilalamon ng apoy ang tahanan ng pamilya Abenido kung saan na-trap sa loob ang mag-utol.
Pinaniniwalaan namang aksidenteng natumba ang lampara ng pamilya na dumila sa kurtina hanggang sa lamunin ang buong kabahayan na ikinasawi ng dalawang bata.