P180-M shabu nasabat sa Subic
OLONGAPO CITY – Tinatayang aabot sa 33 kilo ng methamphetamine hydrochloride (shabu) na nagkakahalaga ng P180-milyon ang nasabat na naman makaraang sisirin ng mga diver ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Harbor Patrol Group sa ilalim ng Bravo Pier ng Subic Bay Freeport kahapon umaga.
Sa ulat na nakarating kay SBMA Administrator Armand Arreza, bandang alas-8:45 ng umaga nang mamataan ng mga Harbor Patrol ang kakaibang kulay ng bag na nasa ilalim ng tubig habang nag sasagawa ng routine check-up sa nasabing pantalan.
Kaagad na sinisid ng grupo ng Harbor Patrol ang ilalim ng Bravo Pier at lumantad ang ilang berdeng bag na kahalintulad din ng ginamit sa shipment na shabu na nasabat noong nakaraang linggo.
Lumalabas sa pagsusuri ng PDEA chemist na si Che Cunanan, na high-grade shabu ang nasabat sa Bravo Pier na kabilang sa P5 bilyong shabu na nakumpiska ng mga tauhan ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) at Law Enforcement Agency ng SBMA kay Anton Ang mula sa fishing vessel na F/B Shun Fa Xing. Alex Galang
- Latest
- Trending