BAYOMBONG, Nueva Vizcaya – Sa takot na sila ang sumunod likidahin, hindi umano makuhang makapag-ulat nang balanse o nang walang takot ang ilang miyembro ng North Luzon media partikular na sa parteng Nueva Vizcaya sa gitna ng maigting na girian ng pamahalaang lalawigan at ng isang international mining firm dito ayon sa isang provincial correspondent na ayaw pabanggit ng pangalan kahapon.
Kumitil na sa buhay ng chairman ng Barangay Didipio na si Paul Baguilat ang hidwaan ng administrasyon ni Gov. Luisa Cuaresma at Oceana Gold Phils., Inc. dahil na rin sa lantarang pagpanig diumano ng biktima na nilikida noong nakalipas lamang na Huwebes.
“Hirap na po talaga kami kasi taga-rito kami. Wala kaming magawa at baka kami pa ang sumunod kay (Paul Baguilat),” wika ng impormante.
Maging ang naulilang asawa diumano ni Baguilat na si Elma ay ayaw magbigay ng pahayag kahit na alam ang tunay na dahilan at kung sino ang utak sa pagkamatay ng biktima sa takot na maging puntirya din siya ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Bebot na tulak nalambat
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Isang mestisang dalaga na umano’y gumagamit ng maraming alyas sa pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot sa Puerto Galera ng lalawigang ito ang nalambat sa bitag ng mga tauhan ng Philippine National Police at ng Philippine Drug Enforcement Agency. Nakilala ang suspek na si Annalyn Tan y Magallanes, 39, dalaga, walang hanapbuhay at residente ng Puerto Galera. Ayon sa pulisya, si Tan, na gumagamit din ng pangalang Rosemarie Ann Dacay at mga alyas na “Puti,” “Volta,” at “Tony,” ay nahuli sa isang pinagsanib na “buy-bust operation” ng Puerto Galera PNP at PDEA dakong alas-10:00 ng gabi ng Hunyo 1 sa Brgy. Sabang ng naturang bayan. Nakuhang hawak ni Tan sa nabanggit na operasyon ang isang maliit na plastik na may laman ng umano’y pulbos ng shabu at dalawang piraso ng P500 na “marked money.” (Juancho Mahusay)
Kelot natuhog
Rizal – Nagmistulang na-barbeque ang katawan ng isang 38-anyos na mag-uuling nang aksidenteng mahulog mula sa inakyatang puno ng sinigwelas at matusok sa pinagbagsakang katabing puno ng ipil-ipil kahapon ng umaga sa Sitio Nagsandig, Barangay Looc, Cardona ng lalawigang ito. Gumagawa ng uling ang biktima nang maisipan niyang akyatin ang isang puno ng sinigwelas na hitik sa bunga. Pero nabali ang isang sangang tinutungtungan ng biktima dahilan upang ito ay mahulog at bumagsak sa puno ng ipil-ipil na matigas at matulis ang dulo. (Edwin Balasa)