CAMP VICENTE LIM, Laguna – Isang 36-anyos na trader at tatlo sa kanyang anak ang iniulat na nasugatan makaraang sumabog ang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Sapa 4, sa bayan ng Rosario, Cavite noong Martes ng madaling-araw.
Naisugod naman sa St. Martin Hospital ang mga biktimang si Vigildo Bombita, mga anak nitong sina Brent,13; Bryan, 11; at Biron, 7.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Hernando Zafra, Cavite police director, nagmula ang pagsabog sa sumingaw na LPG tank na naiwang bukas matapos mag-spark ang naiwang VCD player bandang alauna ng madaling-araw.
Sa panayam ng PSNgayon kay Zafra, itinuwid nito ang naunang deklarasyon sa radio interview na nagmula ang pagsabog sa isang cigarette lighter.
“Ang una kasing nakarating sa aking report ay sa lighter daw nag-mula ang pagsabog pero sa isinagawa pang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ay sa naiwanan daw na DVD player ang posibleng pinagmulan ng ignition,” paliwanag ni Zafra.
Napag-alamang natutulog ang mga biktima nang maipon sa loob ng kanilang bahay ang sumingaw na gas mula sa LPG at biglang sumambulat nang mag-spark naman ang DVD player na naiwan din nilang nakabukas. Arnell Ozaeta, Cristina Timbang at Joy Cantos