CAVITE – Matapos simulan ang Kalayaan Festival 2008 sa Cavite noong ika-28 ng Mayo na may temang “Isang Cavite. Makasaysayan. Matapang. Maunlad!”, puspusan naman ang ginagawa para sa dalawang linggong pagdiriwang kung saan itatampok ang Katapangan ng Kabitenyo Noon, Ngayon at Bukas sa naiibang pagtatanghal-ang Kalayaan Diorama na pangungunahan ng mga kilalang artista at personalidad sa teatro at musika.
Sa ika-12 ng Hunyo, mistulang pagbabalik sa kasaysayan ang mala-higanteng produksyon sa Aguinaldo Shrine sa Kawit kung saan aabot sa 300 artista sa kanilang makalumang kasuotan ang gaganap sa mga pangyayari noong 1898 sa pamamagitan ng pinaghalong awit, sayaw at teatro.
Kabilang sa magtatanghal ang mang-aawit na sina May Bayot, Jett Pangan ng “The Dawn” at ang batikang artista ng teatro na sina Noni Buencamino at Robert Seña. Makikibahagi naman bilang tagapagpadaloy ng programa sina Ailyn Luna, Jericho Rosales at Miss International 2005 Precious Lara Quigaman.
Kasabay ng pagdiriwang sa Hunyo 12, ilulunsad din ang baong tatak ng Cavite upang ipakilala ang natatanging kultura, mamamayan at produkto nito. Gaganapin din ang taunang float parade at street dance exhibition na lalahukan ng iba’t ibang munisipyo at lungsod.