Bisor ng PNOC itinumba
ORMOC CITY, Leyte – Pinaniniwalaang love triangle ang isa sa motibo kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay sa harapan ng maraming tao ang isang bisor ng PNOC drilling department ng ‘di-pa kilalang lalaki sa naganap na panibagong karahasan malapit sa bus terminal noong Sabado ng hapon sa Ormoc City, Leyte.
Ang biktimang nasapol ng bala ng baril sa dibdib at tiyan ay nakilalang si Teodoro Salas y Silva, 54, may-asawa at residente ng Barangay Milagro ng nabanggit na lungsod.
Sa ulat ni SPO4 Rudy Sano, homicide chief ng PCP1, lumutang ang anggulong love triangle matapos isiwalat ng misis ng biktima na may karelasyong ibang babae ang kanyang mister.
Napag-alaman din na kalalaya pa lamang mula sa kulungan ang mister ng babae na nakarelasyon ng biktima at posibleng nakaabot sa kaalaman nito ang bawal na pag-ibig ng dalawa.
Sa salaysay ni Gloria sa mga imbestigador ng pulisya, nabatid na naaktuhan niya ang biktima na nasa bahay ng babae sa Barangay San Isidro, Ormoc City.
Ayon kay SPO4 Sano, kagagaling lang ng biktima mula sa city port matapos na mangasiwa ng ilang gamit ng PNOC na naipadala sa ibang lalawigan. Sa pahayag ng mga nakasaksi sa krimen, nagkasalubong ang biktima at ‘di-pa kilalang lalaki nang umalingawngaw ang malakas na putok ng baril.
Nang bumulagta ang biktima ay sinundan pa ito ng isang putok sa dibdib saka palakad na lumayo ang gunman na naka-jacket patungo IAL Bldg. at sumakay ng traysikel.
Wala naman rumespondeng pulis sa bus terminal matapos ang pamamaril na sanay may nagpapatrolyang alagad ng batas dahil karamihang biyahero ang labas masok sa nasabing terminal.
Subalit ayon kay P/Insp. Shevert Alvin Machete na may dalawang pulis na nagmamando sa nabanggit na terminal kaya nga lamang ay pansamantalang lumipat ng ibang lugar para magpatrolya.
- Latest
- Trending