KIDAPAWAN CITY – Dahil sa kakulangan ng suplay at sobrang pagtaas sa presyo ng bigas sa pamilihan, nagpakamatay ang isang 52-anyos na ama sa likuran ng kanilang bakuran sa Barangay Poblacion-6, Midsayap, North Cotabato noong Huwebes ng madaling-araw.
Natagpuang nakabitin ang bangkay ng biktimang si Rodrigo Villar Bangca sa likuran ng kanilang bahay.
Ayon kay Mrs. Bangca, bago nagpakamatay ang kanyang mister, napansin niya’ng balisa ito at ‘di mapakali. Laging nagtatanong sa kanya kung paano niya bubuhayin ang pamilya ngayong halos wala na silang mabiling bigas at mahal pa ang presyo nito sa pamilihan.
Simula noong Lunes, marami sa mga tindahan ng bigas sa North Cotabato ang nagsara dahil sa pabagu-bagong presyo.
Batay sa monitoring ng Local Price Coordinating Council (LPCC) sa Kidapawan City, tumaas ng halos 30-porsiento ang presyo ng bigas sa loob lamang ng 20-araw na, ayon sa grupo, ay isang malinaw na paglabag sa Price Act.
Sa ngayon, ang Milagrosa rice, pinakamagandang klase ng bigas, ay ibinebenta sa merkado ng P50-kada kilo. Malu Cadelina Manar