Mag-ama todas sa away ng 2 misis

CEBU CITY – Dahil sa tahol ng aso ay nagawang pagbabarilin ng retiradong sundalo ng Phil Air Force ang kanyang bayaw at bi­yanan na ikinasugat naman ng dalawang iba pa sa Dagohoy Street sa Ba­rangay Apas, Cebu City, Cebu noong Biyernes ng gabi.

Naisugod pa sa ospital subalit idineklarang patay ang mag-amang sina Cris­tito Pontanar, 72; at anak na si Esmeraldo Pontanar, 41, matapos ratratin ng sus­pek na si ret. Master Sgt. Nestor Bugarin sa harapan mismo ng kanilang tahanan.

Sugatan ding isinugod ang pamilya ni Esmeraldo na si Maria Glen Pontanar, 40, at kanilang anak na si Paulo, 13.

Ayon kay SPO2 Rey Cuyos ng Cebu City PNP Homicide

Section, nagpalitan ng maiinit na mga salita ang asawa ni Esmeraldo na si Maria Glen at asawa ng suspek na si Anecita (ka­patid ni Esmeraldo) dahil sa reklamo ni Maria Glen sa ingay na likha ng aso ng mga Bugarin.

Dahil sa kaguluhan sa labas ng kani-kanilang bahay ay sinubukang awa­tin ni Esmeraldo ang da­lawa subalit minasama ng suspek na may bitbit na .45 kalibreng baril at saka pi­nagbabaril ang mag-asawa at nadamay din sa pa­mamaril ang kanilang anak na si Paulo sa tiyan na noon ay nanonood sa pag­tatalo ng mga magu­lang at tiyahin.

Dahil sa putok ng baril ay lumabas na rin ang biye­nan ng suspek na si Cristito subalit pati ito ay binaril din at tinamaan sa likod at binti.

Napag-alaman din ng pulisya na matagal ng nag-aaway ang dalawang pa­milya dahil sa pag-aaga­wan ng parking space sa harap ng kani-kanilang tahanan dagdag pa rito ang ‘di na nila pagkakauna­waan matapos na pagha­tian ang mga pag-aaring lupain ng mga ma­gulang.

Si Bugarin ay mabilis ding tumakas matapos ang krimen. Dagdag Ulat Ni Joy Cantos

Show comments