CAVITE – Ipinamalas ng mga Kabitenyo ang pagkakaisa na isulong ang kahalagahan ng bandila sa ginanap na “Hamon ng Katapangan: Longest Flag Wave” bilang pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Watawat noong Miyerkules ng hapon kung saan aabot ng 30,000-katao ang nagwagayway ng watawat mula bayan ng Baccor hanggang Dasmariñas, Cavite.
Maliban sa mga kawani ng gobyerno at delegasyon mula sa iba’t ibang munisipyo, lumabas sa kani-kanilang paaralan, opisina at pabrika ang mga estudyante at kawani upang sumama sa mahabang pila na may temang “Isang Cavite, Makasaysayan. Matapang. Maunlad!”
Ang nabanggit na okasyon ay hudyat ng pagbubukas ng taunang Kalayaan Festival na pinangunahan ni Cavite Gov. Ayong Maliksi kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan mula sa iba’t ibang bayan. Nagpahayag naman ng kasiyahan si Maliksi sa tagumpay na kampanya upang isulong ang paggalang at pagpapahalaga sa watawat.