SUBIC BAY FREEPORT – Tinatayang aabot sa 770 kilos ng high-grade methamphetamine hydrochloride na kilala sa tawag na shabu na may street value na P5 bilyon ang nasabat ng pinagsanib na operatiba ng Presidential Anti-Smuggling Group-Task Force Subic at Law Enforcement Department-Subic Bay Metropolitan Authority (LED-SBMA) sa isinagawang magkakasunod na drug bust operation sa Subic Bay Freeport Zone noong Linggo at kahapon.
Sa pahayag ni Usec. Antonio Villar Jr., ang kilu-kilong shabu ay nakumpiska ng mga tauhan ni P/Supt. Rolando Magno mula sa dalawang van at bodega na pag-aari ng Chinese trader na si Anthony “Anton” C. Ang ng Davidson Street, Barangay West Bajac-Bajac, Olongapo City.
Napag-alamang si Ang ang may-ari ng Hua Long International sa Subic Bay Industrial Park na nairehistro noong Oktubre 2007 at nag-iimport ng mga sigarilyo at alak mula sa China.
Sa press conference noong Linggo, sinabi ni SBMA Administrator Arman Arreza, namataan ang isang kulay pulang Mitsubishi Outlander (REA-615) na umaaligid sa bisinidad ng Riviera Pier kung saan nakadaong ang isang Taiwanese vessel na F/B Shun Fa Xing.
Ayon pa sa ulat, namataan ng mga operatiba na may ibinababang mga kahon ang pahinante mula sa nasabing barko patungo sa nakaparadang kulay pulang sasakyan.
Nabatid na tinangkang ilabas ang kargamento sa Port Sentinel Branch kaya hinarang na ng mga operatiba para rekisahin ang mga papeles.
Nang sitahin ng mga operatiba si Ang ay idineklara nitong mga computer parts ang laman ng kahon at hindi maaring buksan dahil sensitibo ang mga parte at nangakong ipiprisinta ang mga dokumento kinabukasan.
Subalit hindi na nagbalik si Ang kaya nagpasya ang mga awtoridad na buksan na ang mga kahon kung saan lumantad ang kilu-kilong shabu.
Nalambat din ng SBMA Harbor Patrol ang 30 kilong shabu na namataang palutang-lutang sa nasabing lugar.
Nadiskubre rin ng mga operatiba ang may 660 kilong shabu na lulan ng Toyota Hi-ace (UKU-699) matapos buksan ang Hua Long warehouse na pag-aari ni Ang.
Inalerto naman ni Administrator Arreza ang lahat ng SBMA entry na posibleng gamiting daanan ng mga sasakyang may lulang droga. Dagdag ulat ni Rudy Andal