9 pulis sinibak dahil sa rubout
Isinailalim na kahapon sa administrative relief ang siyam na pulis kabilang na ang isang colonel kaugnay ng kinuku westiyong rubout matapos mapatay ang tatlo sa apat na isinasangkot sa RCBC massacre noong Mayo 22 sa Tanauan City, Batangas.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Nicanor Bartolome, ipinag-utos na ni PNP chief Director General Avelino Razon Jr. ang pagsasailalim sa administrative relief ni P/Supt. Gilbert Sauro at 8 pang tauhan ng Provincial Intelligence Branch and Special Operations Group ng Batangas Police Provincial Office (PPO).
Nag-ugat ang administrative relifef ng mga pulis matapos igiit ng Commission on Human Rights na nasawi sa rubout ang tatlo sa apat na isinasangkot sa RCBC masaker
Kabilang sa mga naging biktima ng rubout noong Mayo 22 sa Barangay 4 sa Tanauan City, Batangas ay sina ex-Brgy. Chairman Vivencio Javier, lider ng Lucido-Javier robbery/holdup gang; Angelito Malabanan at si Rolly Lachica; habang naunang napatay ng pulisya si Pepito Magsino matapos makasagupa sa Barangay Pagaspas.
Samantala, nauna nang nanindigan ang Task Force RCBC na ang mga suspek ay napaslang sa lehitimong shootout taliwas naman sa alegasyon ng kanilang pamilya na biktima ang mga ito ng rubout.
Ipinag-utos din ni Razon ang pagbuo ng PNP Special Investigation Team (SIT) sa ilalim ng superbisyon ni Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) P/Director Jefferson Soriano para imbestigahan kung may nagawang kapalpakan at lumabag sa proseso ang arresting team. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending