P20M isda nalason
BULACAN – Tinatayang aabot sa P20 milyong halaga ng iba’t ibang uri ng isda ang iniulat na nangamatay makaraang malason sa kemikal na tumagas sa may 200 ektaryang palaisdaan sa bayan ng Balagtas, Bulacan simula pa noong Biyernes. Sinisisi ng mga miyembro ng Samahan ng Namamalaisdaan sa Balagtas (SNB) sa pamumuno ni Oscar Madlang-awa, ang isang pabrika na nagbubuga ng nakalalasong kemikal sa gilid ng Calumpang River na nagtuluy-tuloy sa mga palaisdaan. “Sandali lang patay yung isda sa palaisdaan nang pumasok ‘yung tubig mula sa ilog,” pahayag ni Madlang-awa na inayunan naman nina Rolando Gabriel, Gregorio Gonzalvo, Ricardo Martin, at Willie Mendoza. May teorya ang mga miyembro ng SNB, na isinabay ang pagtatapon ng kemikal na sinalubong ng high tide sa kasagsagan ng bagyong “Cosme”. Kahit ipamigay ang mga may-ari ng palaisdaan ng mga naglutangang isda ay walang tumanggap sa mga residente sa takot na malason. Dahil dito, nagpasaklolo naman ang mga mangingisda kay DENR Sec. Lito Atienza na tugunan ang kanilang problema. Dino Balabo
- Latest
- Trending