Inabsuwelto bilang mga suspek ang dalawang security guard na nauna nang inimbestigahan ng pulisya kaugnay sa Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) masaker na ikinasawi ng sampu-katao noong Biyernes ng umaga sa Bayan ng Cabuyao, Laguna.
Ito ang ulat na natanggap ni Director General Avelino Razon Jr., mula sa Task Force RCBC matapos na lumitaw na negatibo sa paraffin at lie detector test sina Joel de la Cruz at Regidor Sapon na naunang sumuko upang linisin ang kanilang pangalan sa naganap na krimen.
Sinabi ni Razon na ibibilang na lamang testigo ang dalawang sikyu sakaling masakote ang mga suspek.
Aminado naman si Razon na ang RCBC masaker ay isa sa pinakamatinding krimen sa loob ng 30-taong aktibong serbisyo niya sa PNP.
Samantala, hindi lang iisang grupo kundi pinagsanib-sanib na grupo ng kriminal na may operasyon sa Laguna, Batangas at Cavite ang responsable sa pagpaslang sa 10-katao.
Ito ang kinumpirma kahapon ni “Task Force RCBC” Commander P/Senior Supt. Aaron Fidel subali’t pansamantala munang ‘di-tinukoy ang pangalan ng grupo habang patuloy pa ang dragnet operations.
Nilinaw din ni Fidel na isang linggo bago ang krimen, gumagana pa ang alarm system ng bangko, subali’t nang kanila suriin matapos ang massacre ay natuklasang winasak ito.
Habang ang closed circuit television (CCTV) camera na bagaman winasak ay natuklasang may isang buwan nang may diperensya bago pa man mangyari ang krimen. (Joy Cantos)