Kalaboso ang binagsakan ng anim na kalalakihan na pinaniniwalaang mga holdaper makaraang maharang at masakote sa checkpoint sa Barangay Sangbay, Nagtipunan, Quirino kamakalawa.
Kabilang sa mga kinasuhang suspek ay sina Arthur Burda, Oliver Padal-a, Wilfredo Dio-olan, Eduardo Dagiw-a, Mark Ticaan at si Marlon Talagtag.
Ayon sa ulat na nakarating sa Camp Crame, inalarma ng Information and Action Response ng Dinapigue PNP ang himpilan ng pulisya sa Isabela at Quirino matapos magpadala ng text messages kaugnay ng naganap na robbery/holdup kung saan nagsitakas ang mga suspek sakay ng Toyoya Innova wagon (AHJ-467) patungo sa direksyon ng Quirino. Hindi na nakapalag ang mga suspek matapos na parahin sa checkpoint ng mga awtoridad.
Nasamsam mula sa mga suspek ang dalawang baril, mga bala, anim na celfone at halagang P.2.84 milyon.
Sa beripikasyon, natukoy ang may-ari ng sasakyang nakarehistro kay Divina Rosal ng Baguio City at nirentahan lamang ng suspek na si Talagtag. Joy Cantos