CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Karumaldumal na kamatayan ang sinapit ng isang mister nang pugutan ng ulo ng magkapatid na kanyang nakaalitan sa inuman kamakalawa ng gabi sa Sitio Gintong Araw, Barangay Panique, Aroroy, Masbate.
Nakilala ang biktimang si Andres Pullar, 48, may asawa, isang gold panner at residente ng naturang barangay.
Ang magkapatid na suspek na kaagad naman na tumakas ay kinilalang sina Jerson, 19, binata at Raymond Relos 17, binata, kapwa gold panner at residente ng Barangay Matangnao, Palanas, Masbate.
Nag-iinuman ang biktima at mga suspek bandang alas-10:00 ng gabi nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo at suntukin ng una ang huli.
Dahil sa ginawa ng suspek, ang magkapatid na armado ng itak ay bigla nalamang pinagtataga ang biktima sa ibat-ibang bahagi ng katawan at pugutin ang ulo nito.
Nabatid na ang ulo ng biktima ay itinapon may halos 500 metro ang layo sa katawan nito na natagpuan ng mga pulis sa madamong lugar. (Ed Casulla)