Bata sinaksak, hinostage sa pier
PALOMPON, Leyte – Himalang nakaligtas sa karit ni kamatayan ang isang 2-anyos na batang lalaki na hinostage at sinaksak ng isang baliw sa terminal ng sasakyan makaraang masagip ng mga awtoridad sa bayan ng Palompon, Leyte kamakalawa ng umaga.
Naisugod naman sa Manuel Veloso Memorial Hospital ang biktimang si Jefferson Esmero y Oliraida subalit inilipat ito sa Ormoc Sugar Planters Association Farmers Medical Center (OSPA-FMC).
Nasakote naman ang hostage taker na si Fernando Palad y Malazarte, 35, ng Barangay Basud, San Isidro, Leyte.
Ayon kay P/Insp. Judito Cinco, ang biktima na kasama ang kanyang ama na si Joel at ang utol nitong si Aina Jobelle ay kababa pa lang ng barko mula sa Cebu City nang magdesisyong mag-almusal sa karinderya.
Habang nag-aalmusal ang mag-aama ay nilapitan at hinablot ng suspek ang biktima sabay na pinagsasaksak.
Namataan naman ng drayber ng trike na si Ramil Ramirez, ang insidente kaya tinangka nitong iligtas ang bata subalit maging siya ay pinagsasaksak ng suspek.
Nabatid na kinuyog naman ng taumbayan ang suspek saka dinala sa himpilan ng pulisya.
Ayon sa mga doctor ng nasabing ospital, ligtas na ang bata sa tiyak na kamatayan subalit nanatili pa rin itong nasa kritikal na sitwasyon dahil sa dami ng saksak sa katawan. (Roberto Dejon)
- Latest
- Trending