PANGASINAN – Tatlo-katao ang iniulat na nasawi, samantalang anim na iba pa ang nasugatan makaraang salpukin ng pampasaherong bus ang likurang bahagi ng traysikel na sinasakyan ng mga biktima sa kahabaan ng pambansang lansangang sakop ng Barangay Gonzales sa bayan ng Umingan, Pangasinan kamakalawa ng madaling-araw.
Kabilang sa mga namatay ay sina Carlito Cariaso, 38, drayber ng traysikel; Anthony Feliciano, 16 at si Alberto Esteban, 54, kapwa residente ng Barangay San Juan, San Jose City, Nueva Ecija.
Naisugod naman sa Umingan Medicare Hospital ang mga sugatang sina Pat Gonchita, 50; Gregorio Esteban, Jr.,13; Arlene Medriano, 26; Dave Domingo, 10; Kristene Medriano, 4; at si Daryl Domingo, 7.
Boluntaryo namang sumuko sa pulisya ang drayber ng Rem Bus Liner na si Danilo Sumido, 50, ng Cabagan, Masbate.
Napag-alamang patungong Silangan ang traysikel habang ang bus naman ay patungong Tuguegarao-Isabela nang maganap ang sakuna. (Cesar Ramirez)