2 todas sa killer kotse
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City — Dalawa-katao ang iniulat na nasawi makaraang salpukin ng kotse ang kanilang motorsiklo sa kalsada ng Barangay Travesia sa bayan ng Guinobatan, Albay kamakalawa ng hapon. Isa sa dalawang biktimang namatay ay nakilalang si Andres Naje Jr., 30, at naninirahan sa Barangay Maninila, Camalig, Albay. Samantala, nadakip naman saka pormal na kinasuhan ang drayber ng Honda Civic (ZMV949) na si Myra Andes, 38, dalaga, ng Barangay Ilaor sa bayan ng Oas, Albay. Napag-alamang magkaangkas ang dalawa sa motorsiklo (EO 4092) nang salpukin ng nabanggit na kotse. (Ed Casulla)
Katiwala ng simbahan itinumba
CAMARINES NORTE — Isang 58-anyos na katiwala sa simbahan na pinaniniwalaang nakikipagsabwatan sa pulisya at militar ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga rebeldeng New People’s Army sa Purok 4 Sitio Kilometer Zero, Barangay San Isidro sa bayan ng San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte kamakailan. Kinilala ni P/Senior Insp. Eduardo Golez, ang biktimang si Nelson Naz, caretaker ng simbahan at school nursery ng San Lorenzo Ruiz. Ayon sa ulat, patungo sa palaisdaan ang biktima nang harangin at ratratin ng mga armadong kalalakihan. Napag-alaman na pinagbabantaan ang biktima ng mga ’di-pa kilalang kalalakihan. (Francis Elevado)
2 ‘laglag-bata’ arestado
CAMARINES NORTE — Dalawang kababaihan na pinaniniwalaang nagsasagawa ng abortion ang dinakip ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa magkahiwalay na barangay sa bayan ng Daet, Camarines Norte kamakalawa. Pormal na kinasuhan habang nakakulong ang mga suspek na sina Josefina Rana, 54, ng Purok 8, Brgy. 4 at Violeta Bacalla, 47, ng Purok 5 Brgy Pamorangon. Nakumpiska sa mga suspek ang P500 marked money na ginamit sa entrapment operation ng pulisya at naging mga pangunahing testigo sina Fr. Fidel Era, secretary ni Bishop Gilbert Garcera at Fr. Timoner ng St. John the Baptist Church. (Francis Elevado)