Hindi nasilayan ng mag-ina ang pagdiriwang ng Mother’s Day makaraang pagsasaksakin hanggang sa mapatay ng mga ’di-pa kilalang kalalakihan sa loob ng kanilang computer shop sa Naga City, Camarines Sur, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang mag-inang sina Analyn Santos-Hernandez, 37; at anak nitong si Lemuel, 7.
Naisugod naman sa ospital ang isa pang anak ni Analyn na si Elijah Kevin, 11, na ngayon ay nasa kritikal na kondisyon.
Ayon sa ulat, inimbitahan naman si Lindon Lao See, 17, ng Blumentritt St., Tinago, Naga City matapos mamataan ng ilang residente na umaaligid sa crime scene.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, dakong alas-10:50 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng computer shop ng mag-iina sa Prieto St., Sitio Arana, Barangay Sta. Cruz ng nabanggit na lungsod.
Hinihinala ng pulisya na pagnanakaw ang motibo ng mga suspek kung saan pinagsasaksak ang mag-iina sa loob ng shop.
Sa pagtatanong kay See, lumilitaw na may dalawang di-pa kilalang kalalakihan ang nakita nitong pumasok sa establisiyimento subalit nagduda ang mga imbestigador makaraang makitaan ito ng sugat ng patalim at may saksak ito sa kamay na posibleng indikasyon na nanlaban ang mga biktima at kabilang ito sa mga killer.
Patuloy pa ang imbestigasyon kung saan nakadetine pa rin si See habang hindi naliliwanagan ang kaugnayan nito sa krimen. (Danilo Garcia)