PANGASINAN – Dahil sa alagang bibe, isang 46-anyos na mangingisda ang nalunod kamakalawa ng hapon sa ilog na sakop ng Barangay Aliwekwek, Lingayen. Ang biktimang may dalawang oras bago lumutang sa ilog ay nakilalang si Rudy Reyes. Sa pagsisiyasat ng pulisya, ang biktimang senglot ay lumangoy sa ilog upang kunin ang tatlong alagang bibe na lumipad sa kabilang pampang at sa kalagitnaan ng ilog ay biglang naglaho si Reyes na pinaniniwalaang pinulikat dahil na rin sa kalasingan sa alak, ayon pa sa ulat na nakalap. Samantala, si Marvin Barboco, 27, ay napaulat na nagbigti sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Caloocan, Manaoag kung saan hindi nito nakayanan ang matinding problema sa pamilya. Cesar Ramirez
‘Notoryus robber’ nasakote
KIDAPAWAN CITY – Nagwakas ang tatlong taong pagtatago ng isang 32-anyos na wanted sa serye ng pagnanakaw makaraang masakote ng pulisya sa bahagi ng Kidapawan City noong Biyernes ng umaga. Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Rebecca de Leon-Buyco noon pang 2005, dinakip ang akusadong si Raymundo Ferrarin Agpayo, 32, bandang alas-10:45 ng umaga sa Bautista Street sa nabanggit na lungsod. Dismayado naman ang pamilya ni Agpayo sa pulisya dahil pinagtulungan gulpihin sa loob ng selda ng mga preso na pinaniniwalaang standard operating procedure sa loob ng kulungan. Malu Cadelina Manar
Tinderang tulak timbog
CAMARINES NORTE – Kalaboso ang binagsakan ng isang 45-anyos na vendor na pinaniniwalaang nagtutulak ng marijuana makaraang masakote ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa harapan ng isang department store sa Vinzons Avenue sa Bayan ng Daet, Camarines Norte kamakalawa ng hapon. Kinilala ni P/Supt. Danilo S. Morzo, hepe ng CIDG, ang suspek na si Nita Pura ng Purok 3, Barangay Mancruz ng nasabing bayan. Nakumpiska sa suspek, ang 22 pirasong pinatuyong dahon ng marijuana at ang marked money na ginamit ng poseur buyer. Nasabat din ng pulisya ang isang kilong marijuana na nadiskubre sa bahay ng suspek. Sa tala ng pulisya, may apat na taon na ring nakakulong ang ina ng suspek dahil sa pagtutulak ng marijuana. Francis Elevado