Dalawa-katao ang iniulat na nasawi kung saan muling nanalasa ang dengue sa lalawigan ng Iloilo.
Sa pinakahuling tala ng Iloilo Provincial Health Office na ipinarating kahapon sa Office of Civil Defense, simula noong Enero hanggang Abril 16, 2008 ay aabot na sa 87 biktima ang naapektuhan ng dengue sa kabuuang bilang.
Noong Abril 2008 ay may 18 kaso ng dengue ang naitala kung saan sa kabuuan ay dalawa na ang namamatay.
Ang nasabing bilang ay higit na mataas kumpara noong 2007 kung saan nakapagtala ng 69 kaso na ikinasawi ng 3-katao.
Kabilang naman sa lugar na may pinakamataas na kaso ng dengue ay mula sa 1st district ng Iloilo.
Nangunguna sa talaan ay ang mga bayan ng Miag-ao na nakapagtala ng 10 kaso, Oton (8) na ikinasawi ng isa sa mga biktima, Tigbauan (7) at ang bayan ng Ajuy na may 5 kaso ng dengue.
Samantala, sa typhoid fever ay aabot sa 127 kaso ang nairekord sa unang bahagi ng 2008 sa Iloilo.
Kaugnay nito, pinag-iingat ng mga lokal opisyal ang mga residente na isagawa ang kaukulang hakbang upang makaiwas sa pagdami ng lamok na nagdadala ng virus sanhi ng dengue. Joy Cantos