Naging mitsa ng kamatayan ng isang mister ang walang paalam na pagbebenta nito ng kalabaw ng kaniyang kaibigan matapos na pagbabarilin sa harapan ng kaniyang tahanan sa La Paz, Iloilo kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Nelson Mendoza, residente ng Brgy. Ticud, La Paz. Agad siyang binawian ng buhay matapos na magtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Tinutugis naman ngayon ng mga awtoridad ang suspek na si James Ledesma, residente ng Divinagracia, sa naturang bayan.
Nabatid na sumugod ang suspek sa bahay ng biktima at kinompronta ito sa pagbebenta ng kaniyang pinaalagaang kalabaw nang walang paalam. Sa gitna ng komprontasyon, binunot ng suspect ang kanyang baril at ilang ulit na pinaputukan ang biktima.
Nabatid na bumili ng kalabaw ang suspect at ipinagkatiwala ang pag-aalaga sa kanyang kaibigan subalit ibenenta naman ito ng biktima nang hindi siya sinasabihan. (Joy Cantos)