KIDAPAWAN CITY — Lima-katao ang iniulat na malubhang nasugatan makaraang pasabugin ang isang pampasaherong L300 van na nakaparada sa bus terminal ng Midsayap, North Cotabato kahapon.
Kinilala ang mga sugatang dinala sa Cotabato Regional and Medical Center at Amado Diaz Hospital sina Violeta Olanday, 32, tubong Pigcawayan, North Cotabato; dalawang anak nitong sina Faith, 8, at French John, 4; Fe Basoy ng Barangay Villarica, Midsayap; at si Teng Hashim ng Datu Piang, Maguindanao.
Ayon kay P/Insp. Andaman Lucas Dicay, deputy chief ng Midsayap PNP, itinanim ang bomba malapit sa driver’s seat ng van na may plakang LDN795.
Napag-alamang patungo sana sa Davao City ang van at naghihintay na makasakay ang iba pang pasahero nang sumabog ang sasakyan.
Nadamay sa pagsabog ang ilang pampasaherong van at mga bus na nakaparada lang sa terminal, ayon kay Dicay. Ito ang ikalawang pagsabog na naganap sa bayan ng Midsayap simula noong Abril 2008.
Samantala, ayon naman sa ulat ni Col. Pedro Soria ng Army’s 602nd Brigade, dalawa ang iniulat na nasawi habang sampung iba pa ang sugatan. (Malu Cadelina Manar at Joy Cantos)