CALUMPIT, Bulacan — Ipinasisibak ni ex-Bulacan Gov. Roberto “Obet” Pagdanganan ang mga pulis sa Bulacan na pinaniniwalaang nag- cover-up sa pagpatay sa kanyang utol na dating mayor ng Calumpit na si Ramon Pagdanganan.
Ang panawagan ni Obet ay ipinarating kina DILG Secretary Ronaldo Puno at PNP Director General Avelino Razon kung saan dalawang kalalakihang suspek sa pagpatay sa ex-mayor ay napatay naman sa shootout sa bayan ng Bocaue kamakalawa ng gabi.
“Hindi ako naniniwalang ‘yung dalawang napatay ay mga responsable sa pagpatay sa aking kapatid,” pahayag ng dating gobernador.
Kinilala naman ang dalawang napatay na sina Jerry Velasco at isang alyas Jocel na nakipagbarilan sa pulisya sa Barangay Batia, Bocaue noong Martes ng gabi.
Ayon sa pulisya, ang dalawa ay positibong kinilala ng dalawang nakasaksing sina Myrna Alfonso at Marcelo Datuin sa pagpatay kay ex-Mayor Monching Pagdanganan noong Linggo ng gabi habang nagdiriwang ng piyesta ng Brgy. Calizon sa Calumpit.
Kasunod nito, ikinagulat naman nina Alfonso at Datuin ang paglalabas ng artist sketch ng mga suspek dahil itinanong lamang daw sa kanila ng pulisya ay kung ano ang suot na damit.
“Una, nag-speculate sila na NPA rebs ang pumatay sa kapatid ko, then may pinalutang na love triangle raw ang motibo, tapos ngayon ay robbery suspects ang sinasabi nilang killer,” dagdag pa ni Obet.
Binanggit ni Obet na may posibilidad na ang responsable sa pagpatay sa kanyang utol ay isang pulis at barangay captain na akusado sa pagpatay sa bayaw ni Calumpit incumbent Mayor James de Jesus na si Dr. Norman Josue noong Mayor 14, 2006.
“Bakit kung sinu-sino ang itinuturong killer, at bakit hindi nila hulihin sina Major Jacqueline Puapo at Leobardo Piadozo na posibleng malaki ang kaugnayan nilang dalawa sa pagpatay sa kapatid ko,” ani Obet.
“Uminit ang mundo ng kapatid ko mula noong magpalabas ng order ang Supreme Court na ilabas ni Puapo si Piadozo at ibalik sa Bulacan provincial jail,” pahayag pa ni Pagdanganan.
Batay sa mga dokumentong hawak ni Obet, inilipat sa San Ildefonso municipal jail si Piadozo dahil sa natatakot siya sa Bulacan Provincial Jail ngunit sa halip na mabilanggo kumandidato at nanalo pa bilang kapitan si Piadozo.
Nang matuklasan ni ex-Mayor Pagdanganan ay nagsampa siya ng kaso sa Supreme Court, at ‘di-nagtagal ay nag-atas kina Puapo at Judge Basilio Gabo at ipaliwanag kung bakit ‘di nakabilanggo si Piadozo.
Ayon pa kay Obet, dahil hindi maipaliwanag nang maayos, sinentensyahan ng Korte Suprema si Puapo na mabilanggo ng sanbuwan at magbayad ng P10,000 fine.
Samantala, nanatili namang tikom ang bibig ni Bulacan acting provincial police director Senior Supt. Allen Bantolo hinggil sa nabanggit na isyu. (Dagdag ulat ni Joy Cantos)