Isang ama at tatlo nitong anak na paslit ang nasawi nang pagbabarilin habang natutulog sa loob ng kanilang bahay sa Tugbok District, Davao City kamakalawa ng gabi.
Naganap ang insidente nitong Miyerkules ng gabi sa tahanan ng pamilya Diarog sa Brgy. Manuel Guianga, Tugbok District.
Ayon sa imbestigasyon, mahimbing na natutulog ang mag-aama nang biglang dumating ang mga armadong suspek na puwersahang pumasok sa tahanan ng mga ito.
Sunud-sunod na putok ang umalingawngaw na tuluyang tumapos sa buhay ng mga biktima.
Ang mga suspek ay namataang tumatalilis sa lugar matapos na maisagawa ang krimen.
Kabilang naman sa anggulong iniimbestigahan ng mga awtoridad sa kasong ito ay ang alitan sa lupa bilang pangunahing motibo ng krimen.
Bago ang massacre sa pamilya ay isang maimpluwensyang grupo sa lugar ang nais bumili ng lupa ng pamilya Diarog subali’t tumanggi ang mga ito.