Nililitis ng kangaroo court ang dalawang sundalong Prisoners of War ng mga rebeldeng New People’s Army matapos bihagin sa Monkayo, Compostela Valley noong isang linggo.
Sa isang press statement na ipinadala sa media ni Rigoberto Sanchez, spokesman ng Merardo Arce Command sa ilalim ng NPA Southern Mindanao Regional Operations Command, tiniyak nito na buhay pa at nasa mabuting kalagayan ang mga bihag na sina Staff Sergeant Napoleon Jerasmeo ng 11th Regional Command Defense Group at Staff Sergeant Huberto Corbita ng K 9 unit ng Armys 28th Infantry Battalion.
Ang mga ito ay binihag ng may 30 NPA rebels sa Brgy. Upper Ulip, Monkayo, Compostella Valley noong Abril 25 ng taong ito matapos na magsagawa ng checkpoint sa highway ng nasabing lugar ang komunistang grupo.
Ayon kay Sanchez, ang dalawa ay isinasailalim sa paglilitis ng Kangaroo court o ang hukumang bayan ng NPA upang alamin kung may pagkakautang ang mga itong dugo sa bayan, paglabag sa karapatang pantao o kaya ay may nagawang war crimes. (Joy Cantos)