KIDAPAWAN CITY – Nadakip ng pulisya sa isang entrapment operation sa lunsod na ito ang umano’y magnanakaw ng cellphone na sina Nadjera Dipatura, 20, saleslady, at Amron Sarip, kapwa residente sa Barangay Magsaysay dito. Positibong itinuro ang dalawa ni Jennifer Saway, katulong ng biktima na si Andres Olegario, empleyado ng GSIS at residente ng Datu Piang St.. Gayunman, hindi na nabawi ng biktima ang kanang cellphone. (Malu Cadelina Manar)
Binata nakuryente
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Nasawi ang 25-anyos na laborer na si Jayson Calpe nang masagi ang paa niya at makuryente sa isang welding machine sa isang nadaanan niyang photo shop sa Barangay San Nicolas, Iriga City kamakalawa ng hapon. (Ed Casulla)
4 na GRO dinakip
MARILAO, Bulacan — Apat na guest relations officer mula sa isang videoke bar ang dinakip ng pulisya ng bayang ito kamakalawa. Nakilala sila na sina Shiela Torres, 22; Ayen Mendoza, 20; Betty Anaiz, 54; at Nita Nadrero, 46, pawang stay in workers ng Langgay’s Videoke Bar sa kahaban ng MacArthur Highway sa bayang ito. Ayon sa pulisya, ang mga nasabing GRO ay dinakip dahil sa paglabag sa isang pambayang ordinansa na may bilang 474. Ang nasabing ordinansa ay nagsasaad na sinuman ang magtrabaho sa mga restaurant o videoke sa bayang ito ay kailangang kumuha muna ng permit mula sa munisipyo samantalang ang may-ari ng videoke bar ay kailangang kumuha ng lisensya bago magsimula ng operasyon. (Dino Balabo)