Apatnapung (40) preso ng Iloilo Rehabilitation Center ang naratay sa pagamutan matapos ang mga itong dumanas ng diarrhea dahilan umano sa pagkain ng panis na kanin sa Pototan, Iloilo ayon sa ulat kahapon.
Batay sa report, nakakain umano ng panis na kanin ang naturang mga preso nitong nagdaang mga araw na siyang pinaniniwalaang sanhi ng labis na pagtatae ng mga bilanggo.
Inirereklamo rin ng mga preso ang maruming inuming tubig sa kulungan sa bayan ng Pototan sa naturang lalawigan.
Ayon sa mga preso, kahit ilang beses salain ay hindi pa rin nawa wala ang dumi at mabahong amoy ng tubig.
Ipinaliwanag ng tagaluto ng kulungan na hindi nila matantya ang pagluluto ng kanin dahil hindi magandang klase ng bigas ang sinu-supply sa kanila na mabilis umanong mapanis.
Nasa ligtas ng kalagayan ang nasabing mga preso matapos maagapan ang diarrhea ng mga ito habang isa pa ang patuloy na inoobserbahan sa Iloilo Provincial Hospital dahil sa diarrhea. (Joy Cantos)