Matagumpay na nakubkob ng elite forces ng Philippine Marines at Philippine Army ang isa sa pangunahing kampo ng Jemaah Islamiyah at mga bandidong Abu Sayyaf na may ugnayan sa Al Qaeda terrorist network sa isinagawang strike operations ng commando units ng military sa kagubatan ng Indanan, Sulu kahapon ng madaling-araw.
Sa isang phone interview, sinabi ni Joint Task Force Comet Commander Brig. Gen. Juancho Sabban, pasado alas-12 ng madaling-araw ng lusubin ng tropa ng mga sundalo ang pinagkukutaan ng naturang mga teroristang grupo sa kagubatan ng Sitio Candinamon sa bayan ng Indanan.
Ayon kay Sabban sa nasabing strike operations ay pinaniniwalaang malaking bilang ang nalagas sa mga kalaban habang wala namang naitalang sugatan sa panig ng tropang gobyerno.
Nabatid na nagpakawala ng 105 millimeter Howitzer at mortar rounds ang mga sundalo sa kampo ng ektremistang Muslim na sinundan naman ng ground assault ng Marines.
Ang nasabing kampo ay siya umanong pinamumugaran nina Abu Sayyaf leader Commander Radullan Sahiron at JI bomb expert Umar Patek, suspect sa 2002 Bali bombings sa Indonesia na kumitil ng buhay ng mahigit 200 katao.
Sinabi ni Sabban nagawa nilang makubkob ang nasabing kampo sa pamamagitan ng may 300 tropa ng mga sundalo kontra sa may 200 Abu Sayyaf at JI terrorists maliban pa sa augmentation forces mula sa Moro National Liberation Front (MNLF).
Narekober rin sa naturang kampo ang mga sangkap sa paggawa ng bomba na pinaniniwalaang gagamitin ng naturang mga terorista sa paghahasik ng terorismo sa mga urban centers sa rehiyon ng Mindanao. (Joy Cantos)