CABANATUAN CITY – Isang 43-anyos na negosyante ang iniulat na napaslang makaraang ratratin ng mga ‘di-kilalang lalaki sa Maharlika Highway sa Barangay Quezon District sa Cabanatuan City, Nueva Ecija kamakalawa.
Idineklarang patay sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Hospital si Cordulio Ascaño y Plaza ng Barangay Macapsing, Rizal, Nueva Ecija.
Ayon sa pulisya, sakay ng kotse ang biktima nang harangin at pagbabarilin ng dalawang sakay ng motorsiklo sa panulukan ng YMCA.
May teorya ang pulisya na may kaugnayan sa negosyo ang motibo ng krimen matapos mabatid na may dalang P.9 milyon ang biktima sa kanyang kotse na hindi naman tinangay at naibalik din sa mga naulilang pamilya. (Christian Ryan Sta. Ana)