CAMP VICENTE LIM, Laguna – Tinatayang aabot sa P.365 miIyon ang nalimas ng mga ‘di-kilalang armadong kalalakihan makaraang holdapin ang tatlong kawani ng water district sa Barangay Poblacion, San Pedro, Laguna kahapon ng umaga.
Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Felipe Rojas, Jr., Laguna police director, lulan ng pick-up (SFB-420) si Charmine Castasus, record assistant ng San Pedro Water District, kasama ang driver at security guard nang harangin sa may Barangay Poblacion bandang alas-11 ng umaga.
Napag-alamang magdedeposito sana sa sangay ng Landbank of the Philippines ang mga biktima nang magkakasunod silang tutukan ng baril ng mga holdaper bago tangayin ang malaking halaga.
Wala namang sinaktan sa mga biktima matapos ang insidente. Nagsasagawa na ng follow-up operation ang San Pedro PNP para tugisin ang holdaper na tumakas patungong Barangay Cuyab. (Arnell Ozaeta)