Bus pinasabog sa terminal
Isa na namang pampasaherong aircon bus ng Peoples’ Transport na nakaparada sa bus terminal sa bayan ng Midsayap, North Cotabato ang iniulat na ang pinasabog ng mga miyembro ng Al-Khobar extortion group kamakalawa ng gabi.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Army’s 6th Infantry Division na pinamumunuan ni Major Gen. Raymundo Ferrer, naganap ang pagpapasabog sa teminal ng Weena bus bandang alas-8:45 ng gabi sa kahabaan ng Rizal St. sa bayang nabanggit. Sa inisyal na imbestigasyon, isang uri ng 81mm mortar ang ginamit sa pagpapasabog sa isang unit ng Weena Bus Line kung saan ang eksplosibo ay itinanim sa kanal malapit sa nakaparadang bus.
Napag-alamang nawasak ang bubungan, bintana at mga upuan ng bus na may plakang MVH-798.
Wala namang naiulat na nasugatan at nasawi sa insidente subali’t lumikha ito ng matinding takot sa mga pasahero nag-aabang ng ibang papasadang pampasaherong bus.
May palatandan ang mga imbestigador na ang Al-Khobar extortion gang ang nasa likod ng pagpapasabog sa nasabing bus dahil bago ang insidente ay nakatanggap ng extortion letter ang pangasiwaan ng nasabing kumpanya.
Base sa tala, simula noong 2002 ay siyam na unit na ng Weena Bus Company ang binomba ng lokal na teroristang grupo sa lugar.
Pansamantalang naantala ang operasyon subalit bumalik na sa normal ang biyahe ng Weena Bus Line na may ruta patungong Cotabato City-Davao. (Joy Cantos at Malu Manar)
- Latest
- Trending