2 Army sergeant kinidnap
Dalawang Army sergeant ang iniulat na kinidnap ng mga rebeldeng New People’s Army sa liblib na bahagi ng Barangay Upper Ulip, Monkayo, Compostella Valley, kamakalawa.
Kinilala ni Army’s 10th Infantry Division Spokesman Lt. Col. Rolando Bautista, ang mga biktimang tinukoy sa mga apelyidong Staff Sergeant Huberto Corbita ng K- 9 Unit, Charlie Company ng 28th Infantry Battalion at Staff Sergeant Napoleon Jerasmeo ng 11th Reserve Command.
Batay sa ulat, lulan ng pampasaherong sasakyan ang mga biktima nang harangin ng mga rebeldeng grupo ni Commander Lalay ng Guerilla Front Committee 20 ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC) na nagsagawa ng checkpoint sa Sitio Mabatas.
Dahil sa tikas ng tindig ng dalawang sundalo ay nakilala ito ng mga rebelde na kasapi ng hukbong sandatahan kaya tinutukan ng baril at kinaladkad pababa sa sasakyan.
Nabatid na ang mga rebelde ay nanghaharang ng mga sasakyan upang mangotong sa mga pasahero, biyahero at motorista bunga na rin ng dinaranas na gutom sa kabundukan. Joy Cantos
- Latest
- Trending