3-anyos nabigti sa kisame

May posibilidad na sobrang kakulitan, kaya aksi­denteng  nabigti at namatay ang  isang 3-anyos na batang lalaki sa butas ng kanilang kisame sa KM5, Carnation Street sa Barangay Buhangin, Davao City kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si Rafael Cunanan na naisugod pa sa  Davao Medical Center, subalit idine­klarang patay.

Sa naantalang ulat na nakarating sa Camp Crame, natagpuan ang bangkay ng biktima na nakabitin sa kisame ng bahay ng kanyang tiyuhin na si Arvin Cunanan, noong Martes ng hapon.

Napag-alamang pinaalagaan kay Arvin ang biktima at ang kakambal nito na si Ronald ng kanyang kapatid na nagtungo naman ang huli sa Maynila.

Nabatid na ang ina ng mag-utol ay isang In­donesian at nasa Indonesia nagta­trabaho.

Ayon pa sa ulat, pinatutulog ni Arvin ang kambal at lumabas lamang ito sandali ng bahay upang manigarilyo subalit makalipas ang 40-minuto ay bumalik na siya at laking gulat niya nang makita ang pamangkin na nakabitin sa kisame.

Malaki naman ang paniniwala ng pa­mil­ya na dumaan ang bata sa lababo at umak­yat sa kisame saka sumilip sa butas at dito ay nadis­grasya. Joy Cantos

Show comments