Dahil sa tindi ng sikat ng araw ay namatay sa heat stroke ang isang 58-anyos na mister sa mahabang pila sa bentahan ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa Cagayan de Oro City kahapon ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Henry Valle ng Sitio San Juan Dos sa Barangay Lapasan ng nasabing lungsod.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, sinabi sa mga awtoridad ni John Paul Valle, anak ng biktima na bigla na lamang natumba sa mahabang pilahan para makabili ng bigas ang kaniyang ama.
Lumilitaw na bandang alas-8 ng umaga ay pumila na ang mag-amang Valle sa Bigasan ni Gloria outlet sa Agora Market.
Gayon pa man, makalipas ang ilang oras na pagtitiyaga sa pagpila kahit matindi ang sikat ng araw ay bigla na lamang natumba ang matandang Valle.
Isinugod sa Northern Mindanao Medical Center si Valle subalit idineklarang patay ng mga doctor.
Isinisisi naman ng pamilya Valle sa gobyerno ang kumakalat na artipisyal na krisis sa bigas na labis na nagpapahirap sa mga residente hindi lamang sa kanilang lungsod kundi maging sa iba pang bahagi ng bansa.