Abogado ng ex-governor itinumba
LA TRINIDAD, Benguet – Matapos ang kontrobersyal na patayan sa ilang bayan sa lalawigan ng Abra na tinaguriang Cordillera’s Killing Fields, ay isa na namang karahasan ang naganap noong Linggo ng hapon makaraang pagbabarilin hanggang sa mapatay ang isang abogado ni dating Abra Governor Vicente Valera sa loob mismo ng kanyang opisina sa Pratt Street sa Barangay Zone 4, Bangued.
Dalawang bala ng baril sa ulo ang tumapos sa buhay ng beteranong criminal defense lawyer na si Demetrio Villamor Pre, 75, matapos upakan ng dalawang ‘di-pa kilalang kalalakihan bandang alas-3:30 ng hapon.
Sa ulat na isinumite kay Cordillera police spokesman P/Supt. Arni Dean Emock, lumilitaw na kausap ni Atty. Pre, si Bernardo Bañes, 71, nang ratratin ng dalawang ‘di-pa kilalang lalaki.
Nagtamo ng tama ng bala ng .45 cal sa ulo at kaliwang mata bago tumakas ang gunmen sakay ng motorsiklo.
Naisugod pa si Atty. Pre sa Seares Memorial Clinic, ngunit idineklarang patay ng mga doctor.
Sinisilip ng mga imbestigador na may kaugnayan sa awayan sa lupa kung saan sangkot si Atty. Pre.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source ng PSNGAYON, kailangang silipin din ng pulisya na posibilidad na vendetta ang isa sa motibo ng krimen dahil si Atty. Pre ay tumatayong abogado ni ex- Governor Vicente Valera na napaulat na isinasangkot sa pagpatay kay dating Abra Rep. Luis Bersamin noong December 2006.
- Latest
- Trending