CEBU – Aabot sa 18 “hot cars” ang iniulat na nasamsam, makaraang salakayin ng mga tauhan ng Presidential Anti-Smuggling Group at Regional Intelligence Office ang malaking bodega sa Gate 3 Sacris Extension sa Mandaue City kamakalawa.
Sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Geraldine Faith Econg ng Cebu Regional Trial Court at dahil sa paglabag sa Executive Order 156 na inilabas ni Presidente Gloria Arroyo noong 2003, ni-raid ang car surplus store ng Song Pa Motors Trading na pag-aari ni Michael Mengasca, ngu nit ayon sa nakuhang impormasyon ay pinaniniwalaang dummy lamang ito ng tatlong Koreano.
Sa panayam ng PSNGAYON kay PASG-7 deputy director Ricardo “Jojo” Collantes, may nakita silang nakasabit na mga LTO registered plates malapit sa kinalalagyan ng mga sasakyan ngunit di-pa matukoy kung plano ba itong ikabit.
Hinihintay na lang ni Collantes si Mengasca na magbigay ng nilagdaang statement na ito nga ay dummy lamang at ang totoong nagmamay-ari ay ang mga Koreano.
Dahil dito ay posibleng mahaharap sa paglabag sa Anti-Dummy Law si Mengasca at ang tatlong Koreano at posible ring ma-deport palabas ng bansa.
Napag-alamang hindi rin awtorisadong car dealer ang nasabing tindahan dahil motorsiklo lamang ang nakasaad sa kanilang permiso na kanilang pwedeng ibenta batay na rin sa report ng Department of Trade and Industry.
Kabilang sa mga sasakyang nasamsam ay Kia Sportage, Kia Rio, Hyundai Sonata na kasalukuyan pa ring tinitingnan ang kabuuang halaga nito.
Patuloy ang imbestigasyon habang inaalam pa ang ang pagkikilanlan ng tatlong Koreano habang ang mga sasakyang nasamsam ay nasa parking lot ng Cebu International Port Authority.