‘Task Force Sisig’ binuo
Upang mapabilis ang pagresolba sa kaso, binuo ng pulisya ang Task Force Sisig Queen kaugnay ng brutal na pagpaslang sa 80-anyos na biktimang si Lucita Cunanan sa Angeles City, Pampanga noong Miyerkules.
Si Cunanan ay binansagang “Aling Lucing Sisig” na pinukpok ng martilyo at sinaksak hanggang sa mapatay sa loob ng kanyang tahanan.
Kasunod nito, nagpapatuloy ang imbestigasyon matapos palayain ang mag-utol na sina Jimmy at Jason Arandia na naunang inimbitahan ng pulisya para mabigyang linaw ang krimen kung saan kabilang sa anggulong sinisilip ay pagnanakaw at matinding galit.
Kabilang rin sa iniimbestigahan ay ang asawa ni Aling Lucing Sisig na si Victorino na madalas umanong makaaway ng biktima dahil sa pera bago naganap ang krimen.
Itinanggi naman ni Victorino ang krimen sa pagsasabing mahal niya ang kaniyang misis sa loob ng mahabang taon ng kanilang pagsasama at hindi niya magagawang paslangin ito.
Samantala, maging ang kanilang mga anak ay hindi naniniwala na ang kanilang ama ang pumaslang sa kanilang ina.
Si Aling Lucing ay naging tanyag dahil sa taglay nitong husay sa pagluluto ng sisig na ipinakilala nito noong dekada ‘70 at naging patok sa mga kus tomer. Joy Cantos
- Latest
- Trending