Naging mitsa ng kamatayan ng isang 22-anyos na binata ang paglalagay niya ng tatlong bolitas sa kanyang ari matapos na ma-tetano sa Hinoba-an, Negros Occidental, ayon sa ulat kahapon.
Kamakalawa ay tuluyan nang binawian ng buhay ang biktimang si Winnie Hapole, residente ng Barangay. Bacuyangan sa Hinoba-an.
Batay sa report, mahigit isang linggo matapos na maglagay ng bolitas sa kaniyang ari ang biktima makaraang buyuhin ng kaniyang mga kaibigan ay namaga ito nang todo at lumaki.
Noong una ay nahihiya pa umano ang biktima na ipagtapat sa kaniyang pamilya ang pamamaga ng kaniyang ari.
Gayunman, nang lagnatin ang biktima ay inusisa ito ng kaniyang ina matapos na ilang araw na mapansing nanamlay ang katawan ng anak na halos hirap lumakad at nagkukulong sa kaniyang kuwarto.
Dahil dito ay isinugod sa Hinoba-an Hospital ang biktima na dahilan sa malalang kondisyon ay inilipat sa Western Visayas Regional Hospital sa Bacolod City.
Gayunman, nabigo nang maisalba ang buhay ng biktima dahilan sa kalat na ang impeksyon ng tetano sa katawan nito.
Nabatid na ang bolitas ay isang uri ng manipis na metal na diumano’y pampalibog sa mga lalaking naglalagay nito sa kanilang ari para ganahan sa sex at maging macho ang dating sa kanilang partner. (Joy Cantos)