CABIAO, Nueva Ecija – Sa kulungan bumagsak ang isang 32-anyos na poultry helper kamakalawa makaraang arestuhin ito ng pulisya dahil sa dalawang beses na panggagahasa umano sa isang 12-taong gulang na batang babae sa Barangay San Roque, rito, may ilang buwan na ang nakalilipas.
Kinilala ng Cabiao PNP ang suspek na si Jojo Maalom y Liksanan, helper ng Cabigting Farm sa nabanggit na barangay at residente rin ng nasabing lugar.
Itinago naman ng pulisya sa pangalang Lyka ang biktima ng nasabi ring lugar.
Ayon kay PO1 Pamela Suba ng Children and Women’s Section ng Cabiao PNP, napansin ng mga magulang ng biktima na malaki ang tiyan ng kanilang anak at nang kanila itong ipasuri, lumabas na positibong nagdadalang-tao ito.
Sa masinsinang pag-uusap, umamin ang biktima sa kanyang mga magulang na pinagsamantalahan siya ng suspek nang dalawang beses noong Oktubre 29 ng nagdaang taon at tinakot umano siya na papatayin nito kung magsusumbong siya sa awtoridad. (Christian Ryan Sta. Ana)