Kamatayan ang sumalubong sa walo-katao habang 20 iba pa ang malubhang nasugatan makaraang mahulog sa may 200 metrong lalim na bangin ang pampasaherong bus sa bayan ng Diadi sa Nueva Vizcaya kahapon, ayon sa ulat kahapon. Kabilang sa mga nasawing dinala na sa Carbonell at Dos Hermanos funeral parlors ay isang konsehal sa bayan ng Hungduan sa Ifugao, habang isinugod naman sa iba’t ibang ospital ang mga sugatan, ayon kay Mara Cristina Munar, municipal health officer sa bayan ng Diadi.
2 alalay ng doctor itinumba
NUEVA ECIJA – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang dalawang alalay ng isang close aide ni Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali ng tatlong armadong kalalakihang sakay ng motorsiklo sa bayan ng Sto. Domingo, Nueva Ecija, noong Huwebes ng gabi. Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Senior Supt. Napoleon C. Taas, provincial police director, nakilala ang mga biktima na sina Roy Malijana, 39; at Michael Pritanio, kapwa naninirahan sa Barangay Poblacion. Ayon sa imbestigasyon, ang dalawa na tumatayong escort ni Dr. Raymund Sarmiento ng Public Affairs and Monitoring Office ay niratrat habang naglalakad sa panulukan ng Sanciangco at Sabanea St. Inaalam pa ni P/Insp. Nicasio Malazzab, hepe ng pulisya, kung may kinalaman sa trabaho ng dalawa ang krimen. Christian Ryan Sta. Ana
Ina pinugutan ng anak
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Karumaldumal na kamatayan ang sinapit ng isang 62-anyos na ina sa kamay ng sariling anak na may kapansanan sa pag-iisip makaraang pagtatagain at pugutan sa loob ng kanilang tahanan sa Sitio Palanog, Barangay Gapo sa bayan ng Daraga, Albay kahapon. Halos magkagutay-gutay ang katawan ni Virginia Luces, biyuda habang nanlilisik at humahalakhak nang maaresto ng pulisya ang suspek na si Ernie Luces, 22. Napag-alamang nagluluto ang biktima sa kusina ng kanilang bahay nang lapitan at pagtatagain ng suspek. Umabot ng 30-minuto bago madakip ng pulisya ang suspek na tumatawa pa nang lumabas ng kanilang bahay at naglakad hawak ang itak na ginamit sa krimen. Ed Casulla
3 dinedo sa inuman
CEBU – Tatlong sibilyan na nagkakasayahan sa pag-inom ng alak sa ilalim ng punong langka ang iniulat na nasawi makaraang pagbabarilin ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa panibagong karahasang naganap sa Sitio San Roque, Barangay Liboron sa Carcar City, Cebu noong Huwebes ng gabi. Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Manuel Bacalan, 22; Elmer Alquezar, 49; at Roel Bargamento, 35. Dahil sa naganap na krimen ay ipinag-utos ni Mayor Patrick Barcenas sa pulisya na maglagay ng mga checkpoint at police outpost sa nasabing lugar dahil na rin sa kaguluhang may bahid ng paghihiganti sa magkakaaway na mga pangkat. Edwin Ian Melecio