COTABATO CITY – Aabot sa lima-katao ang iniulat na nasawi habang ‘di-pa mabatid na bilang ang nasugatan makaraang magsagupa ang dalawang pamilyang magkalaban sa bayan ng Datu Blah Sinsuat sa Shariff Kabungsuwan, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ni P/Supt. Danilo Bacas, spokesperson ng PNP-ARMM, sumiklab ang bakbakan noong Hu webes ng hapon sa pagitan ng pamilyang Minalang at Tabunaway kung saan pinag-aagawan ang malawak na taniman ng niyog sa baybaying dagat ng Datu Blah Sinsuat.
Sa kasalukuyan ay wala pang pagkakakilanlan sa mga na sawi at nasugatan sa madugong sagupaan ng dalawang pamilya.
Napag-alamang matagal nang may ‘rido’ o awayan ang dalawang pamilya pero kapwa tumanggi ang mga ito na ayusin sa pamamagitan ng mapayapang paraan ang kanilang gusot.
Nagpadala si P/Chief Supt. Joel Goltiao, hepe ng PNP-ARMM, ng karagdagang pulis upang magsilbing peace keeping force sa tumitinding alitan sa naturang bayan.
Ayon pa kay Goltiao, umabot na sa 20 pamilya ang nagsilikas sa kani-kanilang mga tahanan upang iwasan ang gulo mula sa mga naglalabang pamilya na kapwa armado ng malalakas na kalibre ng baril. Malu Cadelina Manar