BACOLOD CITY – Nagimbal ang mga residente mula sa tahimik na baryong sakop ng Negros Occidental makaraang umatake ang mga unggoy sa kanilang kabahayan at tangayin ang anumang pagkain at gamit noong Linggo ng umaga.
Sa ulat ng DYEZ Aksyon Radyo, ang mga unggoy na animo’y gutom na sumalakay sa Sitio Camulayan Gamay sa Barangay Mambaroto, Sipalay City ay nagsikain muna ng mga saging, root crops, pinya at langka bago sinimulang pasukin ang kabahayan.
Ayon kay Maya Bacones, kalimitang puntirya ng isa o dalawang unggoy ang kanilang baryo dahil sa mayabong na taniman ng prutas, subalit noong Linggo ng umaga ay kawan ng unggoy ang lumusob at winasak ang mga pananim.
Maging sa kabahayan ay pumasok at naghahanap ng pagkain
Sa pahayag ni David Castro ng Negros Forest and Ecological Foundation, ang mga unggoy na kilalang may long-tailed macaques ay umatake sa naturang baryo dahil unti-unting nawawasak ang kagubatan na kanilang tirahan.
May posibilidad na ang mga punongkahoy na dati nilang pinagkukunan ng pagkain ay pawang naubos na ng mga illegal logger.